Binata binistay ng bala ng dalawang naka-bonnet

MANILA, Philippines - Isang 56-anyos na binata ang nasawi makaraang pa­sukin ito sa loob ng kanyang bahay ng dalawang arma­dong kala­lakihang nakasuot ng bonnet at pagbabarilin sa lungsod Que­zon, ayon sa pulisya kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Rolando Coronado, ng #18 Area 6 St., Luzon Avenue, Brgy. Old Balara sa lungsod.

Tinutugaygayan naman ng Criminal Investigation and De­tective Unit ng Quezon City Po­lice ang mga suspect na sakay ng isang Mitsubishi Adventure na walang plaka.

Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa loob mismo ng bahay ng biktima ganap na alas-9 ng gabi.

Bago nito, katatapos lang dumalo ang biktima sa hear­ing ng kanyang kasong rob­bery kay assistant prosecutor Maria Cristina Mileta na isi­nampa ng isang Myrna Mamaril.

Nagpapahinga na noon ang biktima sa loob ng kan­yang bahay ng isang  Mitsu­bishi Ad­venture ang duma­ting. Ilang minuto, lumabas ng sa­sakyan ang dalawang kala­lakihan na pawang mga naka­suot ng bonnet at pumasok sa bahay ng biktima at saka ito pinaulanan ng bala. Matapos ang krimen ay ma­bilis na nagsitakas ang mga salarin.

Inaalam pa ng awtoridad kung may kinalaman sa kaso ng biktima ang motibo sa pag­patay dito.

Show comments