Binata binistay ng bala ng dalawang naka-bonnet
MANILA, Philippines - Isang 56-anyos na binata ang nasawi makaraang pasukin ito sa loob ng kanyang bahay ng dalawang armadong kalalakihang nakasuot ng bonnet at pagbabarilin sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Rolando Coronado, ng #18 Area 6 St., Luzon Avenue, Brgy. Old Balara sa lungsod.
Tinutugaygayan naman ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police ang mga suspect na sakay ng isang Mitsubishi Adventure na walang plaka.
Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa loob mismo ng bahay ng biktima ganap na alas-9 ng gabi.
Bago nito, katatapos lang dumalo ang biktima sa hearing ng kanyang kasong robbery kay assistant prosecutor Maria Cristina Mileta na isinampa ng isang Myrna Mamaril.
Nagpapahinga na noon ang biktima sa loob ng kanyang bahay ng isang Mitsubishi Adventure ang dumating. Ilang minuto, lumabas ng sasakyan ang dalawang kalalakihan na pawang mga nakasuot ng bonnet at pumasok sa bahay ng biktima at saka ito pinaulanan ng bala. Matapos ang krimen ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin.
Inaalam pa ng awtoridad kung may kinalaman sa kaso ng biktima ang motibo sa pagpatay dito.
- Latest
- Trending