MANILA, Philippines - Dinukot ng dalawang armadong lalaki na naka-uniporme ng pulis ang campaign manager ng natalong kandidato na si Viviene Tan, anak ni Lucio Tan, alas-5 ng madaling-araw noong Lunes sa nabanggit na lungsod.
Sa isang press conference, sinabi ni Susan Tagle, campaign manager ni Viviene Tan, nagsampa siya ng kasong abduction at theft charges sa Camp Karingal nitong Martes bunsod ng umano’y verbal abuse at pagtatago sa kanya sa loob ng 8 oras ng naturang armadong lalaki.
Anya, puwersahan siyang hinatak mula sa kanyang sasakyan ng dalawang suspek na hindi pa nakikilala at saka isinakay sa police vehicle sa may kanto ng Scout Tobias at Scout Lozano sa QC noong Lunes.
Binantaan pa anya siya ng mga suspek na kaya nila itong itapon sa ilog at bigla na lang mawala noong sila ay nasa loob ng police vehicle.
Kinahapunan na umano siya pinakawalan ng mga suspek matapos kunin ang P30,000 cash mula sa kanyang wallet.
Bukod kay Viviene Tan, si Tagle ay nagsilbing personal assistant ng namayapang aktor na si Fernando Poe Jr. noong 2004 presidential campaign. Inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman sa politika ang insidente o isang kaso ng ‘hulidap’.