MANILA, Philippines - Dalawang pinaniniwalaang carnapper ang nasawi makaraang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga tauhan ng Quezon City Police kahapon ng madaling araw sa naturang lungsod.
Isa sa mga suspect na nasa edad na 25-30, 5’7 ang taas, katam taman ang pangangatawan, nakasuot ng gray na t-shirt, at itim na short pants at blonde ang buhok; habang ang isa naman ay nasa edad na 30-35, may taas na 5’6, katamtaman ang katawan, moreno, nakasuot ng asul na t-shirt at puting short pants.
Ayon sa pulisya ang mga suspect ay nasabat ng tropa ng District Police Intelligence Operatives Unit (DPIOU) mobile patrol unit habang nagsasagawa ng visibility patrol sa may kahabaan ng Elliptical road laban sa lawless criminals na gumagala sa gabi.
Binanggit pa sa ulat na nangyari ang insidente sa pagitan ng Maharlika St., at Elliptical Road sa tabi ng NHA central office sa Brgy. Old Capitol Site ganap na alas-12:30 ng madaling-araw.
Nagpapatrulya umano ang tropa ng pulisya lulan ng mobile car - 127 sa naturang lugar nang maispatan ng mga ito ang isang motorsiklo lulan ang dalawang kalalakihan.
Agad nila itong sinundan, at pagsapit sa Maharlika ay pinara nila ang mga suspek, ngunit sa halip na huminto ay pinaharurot ng huli ang dalang motorsiklo dahilan upang magkaroon ng habulan.
Pagsapit sa may Elliptical road, ay biglang nagpakawala ng putok ang angkas ng motorsiklo sanhi upang gumanti ng putok ang mga awtoridad.
Matapos ang maikling palitan ng putok, nakitang nakabulagta sa lugar ang dalawang biktima na pawang may katabing kalibre 38 baril.
Naniniwala ang pulisya na kinarnap lamang ng mga nasawi ang dalang motorsiklo na walang plaka at tila dinistrungka pa ang susian nito. Narekober din sa tabi nila ang isang bag na pambabae na naglalaman ng identification card na may pangalang Editha Vasquez ng Golden Touch Massage center na may tanggapan sa 101 Ka mias Road Quezon city.
Hinala rin ng pulisya, posibleng galing sa panghahablot ang bag na narekober sa mga suspect kung kaya nataranta ang mga ito.