Navy official natagpuang patay
MANILA, Philippines - Palaisipan ngayon sa pulisya kung sadya bang pinatay o nagpakamatay ang isang opisyal ng Philippine Navy (PN) na natagpuang may tama ng bala sa ulo sa loob ng kanyang tinutuluyang barracks sa Camp Aguinaldo sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Lt. Senior Grade Marvin Mariano, 34, binata at nanunuluyan sa barracks ng Bachelor’s Officers Quarters ng Communication Electronic and Information System Service ng AFP.
Ayon kay PO3 Ernesto Fabre Jr., ng CIDU ng QCPD nadiskubre ang bangkay ng biktima ng kanyang kabarong si Lt. Commodore Cornelio Rodel Mago habang nakahandusay sa kanyang kama at naliligo sa sariling dugo pasado alas-9 ng gabi. Bago ito, hinanap umano ni Mago ang biktima, at hindi niya ito makita kung kaya nagdesisyon na itong puntahan ang barracks nito.
Ayon kay Mago, ilang ulit umano siyang kumatok sa pinto pero walang sumasagot kung kaya nagpasya siyang tumawag ng ilang kasamahan at nagpasyang sirain ang pintuan nito. Nang mabuksan ay saka tumambad sa kanila ang nasabing biktima.
Sa pagsisiyasat, natagpuan sa tabi ng biktima ang isang kalibre 45 baril at isang slug nito.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente. (Ricky Tulipat at Joy Cantos)
- Latest
- Trending