2 Dayuhan Timbog: Mini-shabu lab sa Binondo, ni-raid
MANILA, Phillipines - Isang mini-shabu o tinaguriang ‘hit and run’ laboratory ang nadiskubre ng Manila Police District-Station 11 na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang dayuhang operator at pagkumpiska sa tinatayang P5-milyong halaga ng finished product at mga kemikal sa paggawa ng shabu, sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nadakip sina Liang Hung Hui, 31, isang Taiwanese national at ang Chinese national na si Ko Kwon Ping, 46, na ayon kay Supt. Rogelio Rosales ay ininguso sa kanilang tanggapan ng isang parking boy.
Nasamsam sa mga ito ang may 900 gramo ng methampethamine hydrochloride o shabu na maari nang ibenta at mga nakareserbang sangkap sa pag-prodyus ng shabu na kinabibilangan ng phosphorous, ethanol, hydrochloric acid at laboratory equipments na flasks, mga blender, timbangan at iba pa.
Dakong alas-9:30 ng gabi noong Lunes, nang pasukin ng pulisya ang apartment na matatagpuan sa 1088 Aguilar St., Binondo, Maynila at armado ng search warrant na inisyu ni Manila Regional Trial Court Branch 21 Judge Amor Reyes.
Sa pahayag naman ni MPD director, General Rodolfo Magtibay, sa nakalap nilang impormasyon sa mga residente sa lugar ay may isang linggo pa lamang na nangungupahan ang mga suspek at maliban sa kutson wala na silang ibang gamit sa apartment kundi mga kemikal sa paggawa ng shabu.
Naniniwala si Magtibay na dahil sa ‘hit and run’ lamang ang itinayong shabu lab sa lugar, maaari lamang magprodyus ang laboratoryo ng pinakamababang isang kilo kada araw at maaaring kumita ng P155-milyon kada buwan.
Patuloy pa umano nilang aalamin kung anong international drug syndicate ang kinaaaniban ng dalawang suspek na sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest
- Trending