2 ex-MMDA, 1 pa timbog sa kotong
MANILA, Philippines - Arestado sa isang entrapment operation ang dalawang dating traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at miyembro ng Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS) matapos na ireklamo ng pangongotong ng driver ng mga truck na bumibiyahe sa lungsod.
Kinilala ni Chief Supt. Benjardi Mantele, QCPD Director, ang mga suspect na sina Danilo Padilla, 40, ng 31-B Reparo Road, Caloocan City at Rudy Madrid, 59 ng no. 65 Linao St., Barangay Siena, Quezon City, kapwa mga dating empleyado ng MMDA at Arsenio Benaflor, 64, DPOS traffic enforcer at residente ng 192 Metro Heights, Culiat ng nabanggit na lungsod.
Batay sa imbestigasyon, isang Jovy Luces, 29, truck driver ng Purok 2, Buntong Palay ang nagreklamo hingil sa talamak na pangongotong ng tatlo kung kaya’t isinagawa ang operasyon ganap na alas-11:45 ng gabi sa panulukan ng EDSA at A Bonifacio Avenue, Balintawak, Quezon City. Agad namang dinakip ang mga suspect habang aktong tinatanggap nito ang tatlong piraso ng P100 na marked money mula sa hinuli nilang truck driver.
Lumilitaw na sina Pa dilla at Madrid ay sinibak na sa MMDA dahil sa pagkakasangkot nila sa illegal na aktibidades sa isinagawang sidewalk clearing operations laban sa mga vendors.
Kasong paglabag sa article 294 ng revised penal code o robbery/extortion at usurpation of authority ang kinakaharap nina Padilla at Madrid, habang si Benaflor naman ay kasong robbery/extortion.
- Latest
- Trending