MANILA, Philippines - Ipinahayag kahapon ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na naikabit na nila ang nasa 300 “closed circuit television (CCTV) cameras” sa bisinidad ng mga paaralan bilang paghahanda nila sa seguridad sa darating na pasukan sa Hunyo 15.
Sinabi ni Supt. Rommel Miranda, tagapagsalita ng NCRPO, na ikinabit na ang mga camera sa paligid ng University Belt sa Maynila kung saan naririto ang pinakamalalaking unibersidad sa bansa tulad ng Dela Salle University, University of Sto. Tomas, Letran College, at iba pa.
Kinabitan rin ng CCTV cameras ang bisinidad ng International School (IS) sa Taguig City dahil sa mga naganap na pambibiktima ng mga masasamang-loob dito tuwing pasukan.
Nagkabit na rin ang pulisya ng mga camera sa paligid ng Chinese Schools sa Padre Algue at Jose Abad Santos sa Tondo, Manila dahil na rin sa mga naganap na pagkidnap noon sa ilang mga estudyanteng anak ng mayayamang negosyanteng Tsinoy.
Una nang inihayag ng NCRPO na nasa 8,000 pulis ang kanilang ikakalat sa pasukan bilang pakikiisa sa “Oplan Balik-Eskuwela” ng pamahalaan. Maglalagay rin ng mga helpdesks ang NCRPO para pagsumbungan ng mga mabibiktima ng mga kriminal habang paiigtingin rin ang pagpapatrulya.
Binabantayan din ng pulisya ang posibilidad na pagsalakay ng mga “kidnap for ransom gang” habang nais ring masawata ang mga “street crimes” tulad ng robbery snatching, holdap, pandurukot, at iba pang modus operandi.