Kolorum na dormitoryo, target sa Maynila
MANILA, Philippines - Upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante ngayon pasukan, magsasagawa ng serye ng pag-iinspeksyon ang mga tauhan ng Manila City hall sa lahat ng mga dormitoryo sa lungsod.
Kasabay nito, agad ding inutos ni City Administrator Jay Marzan ang pagpapasara ng mga dormitoryo na walang permit at mga kolorum bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase.
Ayon kay Marzan, hindi maaaring ipagwalang-bahala ang kaligtasan ng mga estudyanteng nakatira sa mga dormitoryo.
Aniya, tinitiis ng mga estudyante na malayo sa kanilang pamilya upang makapag-aral at matupad ang kanilang pangarap kaya marapat lang na mabigyan naman sila ng kaukulang proteksyon at seguridad.
Partikular ding binigyan diin ni Marzan ay ang kaligtasan ng mga dormitoryo laban sa sunog. Kailangan umano sa isang dormitoryo ay malinis, maayos at hindi madaling kapitan ng apoy.
Kaugnay nito, sinabi ni Bureau of Fire Protection National Capital Region (BFP-NCR) Director Pablito Cordeta na 129 lang sa mga dormitoryo sa Maynila ang may permit mula sa city hall habang halos doble nito ang walang permit pero patuloy na nag-ooperate.
Batay aniya sa kanilang ginawang pag-iinspeksyon sa lungsod, 43 dormitoryo ang delikadong okupahan habang lima naman ang inirekomenda nilang maipasara.
- Latest
- Trending