MANILA, Philippines - Patay ang isa sa tatlong holdaper na sumalakay sa isang pampasaherong jeep makaraang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Dead-on-the-spot ang biktimang inilarawan sa edad na 25 hanggang 30, 5’1’’–5’2’’ ang taas, may mga tattoo na “Sputnik gang” at “TBS” o ang nortoryus na grupong “True Brown Style” sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril mula sa mga tauhan ni MPD-Station 7 chief, P/Supt. Remigio Sedanto.
Ang TBS ay sinasabing ang gang na sa kasalukuyan ay may pinakamaraming kinasasangkutang kaso ng pagpatay sa Maynila sa mga nakalipas na taon at sangkot din sa serye ng holdapan sa lugar.
Nakatakas ang dalawa pang kasamahan ng nasawi sakay ng isang walang plakang tricycle.
Sa ulat, naganap ang insidente sa panulukan ng Corregidor at J. Abad Santos sts., Tondo, dakong alas-2:50 ng madaling-araw kahapon.
Sa pahayag ni C/Insp. Emery Abating, team lider ng MPD-Station 7, Mobile Unit nagpapatrulya sila sa lugar nang makatanggap ng tawag tungkol sa magkakasunod na panghoholdap sa lugar. Namataan naman nila ang mga suspect na ng sitahin ay agad na nagbunot ng baril saka pinaputukan ang mga pulis.
Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis kung saan tinamaan ang nasawi habang nakatakas naman ang dalawang kasamahan nito.