8,000 pulis ikakalat sa Metro Manila sa pasukan
MANILA, Philippines - Aabot sa 8,000 pulis ang nakatakdang ideploy ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay ng pagbubukas ng klase sa Metro Manila sa darating na buwan ng Hunyo. Ito ang inihayag kahapon ni Supt. Rommel Miranda, spokesman ng NCRPO.
Samantala, ilang araw bago ang pagbabalik-eskwela ng milyun-milyong mga estudyante ay itataas nila sa full alert status ang puwersa ng NCRPO.
Ayon kay Miranda, target din ng NCRPO ang ‘zero crime rate’ sa pagbubukas ng klase kaya’t maagang ikinasa ang seguridad sa mga university belt sa Metro Manila.
Kabilang naman sa mga mahigpit na babantayan ay ang mga university sa kahabaan ng CM Recto at Chino Roces sa Mendiola, Intramuros, Taft Avenue, pawang sa lungsod ng Maynila; Aurora Boulevard malapit sa may Anonas sa Quezon City.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Miranda ay may tatlong CCTV camera na nakakabit sa mga university belt sa Metro Manila na plano nilang dagdagan pa.
Sinabi ni Miranda na karaniwan ng tumataas ang ‘crime rate’ sa tuwing magbubukas ang klase kaya’t ibayong seguridad ang ipatutupad ng NCRPO.
- Latest
- Trending