MANILA, Philippines - Inaresto ng Manila Police District (MPD) ang isang dating opisyal ng Professional Regulation Commission (PRC) na may nakabinbing warrant of arrest habang dumadalo sa isang kasong kinakaharap nito sa Manila City Hall.
Kinilala ang inaresto sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Metropolitan Trial Court (RTC) Branch 16 na si Capt. Herminio Erorita, 74, dating PRC Board Examiner para sa Marine Deck Officers, ng Magallanes, Makati City dahil sa kasong pamemeke ng dokumento.
Ang suspek ay inaresto ng mga tauhan ng MPD-Homicide Section dakong alas-9 ng umaga kahapon habang dumadalo sa pagdinig sa kasong libel na isinampa sa sala ng Manila Regional Trial Court Branch 24.
Ayon kay P/Chief Insp. Erwin Margarejo, Hepe ng MPD-Homicide Section, bago ang pagkakaaresto sa suspek ay nakatanggap sila ng kopya ng arrest warrant laban kay Erorita, at nabatid na ito ay dadalo sa isang pagdinig sa Manila City Hall.
Dagdag pa ni Margarejo, na bukod sa kinakaharap na kaso ng suspek ay nahaharap din ito sa iba’t ibang kaso katulad ng estafa, paglabag sa bouncing check law at anti-graft and corrupt practices.
Nauna na ring naaresto ang suspek noong November 2005 sa bisa ng warrant of arrest sa isinampang kaso sa kanya sa Makati City noong 1986 dahil sa pamemeke ng document sa halagang P1 milyon na commercial lot. Hindi umano dumadalo sa pagdinig ang suspek dahilan upang mag-isyu ang Makati RTC Branch 145 ng warrant of arrest.