MANILA, Philippines - Dahil sa patuloy na pagbulusok ng halaga ng langis sa internasyunal na merkado, nagpatupad ng P1 rollback sa kada litro sa presyo ng petrolyo ang mga kompanya ng langis.
Pinakahuling nagbaba ng presyo ang Petron Corporation at Chevron Philippines na nagpatupad ng rollback dakong alas-6 kahapon ng umaga. Kinaltasan ng mga ito ng P1 kada litro ang halaga ng lahat ng uri ng kanilang gasolina, diesel, at kerosene.
Unang nagpatupad ng kahalintulad na presyo dakong alas-2:01 kamakalawa ng hapon ang Unioil Petroleum na sinundan ng Flying V dakong alas-6 kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni Raffy Ledesma, tagapagsalita ng Petron, na umaabot na sa P2.25 ang ibinaba sa halaga ng gasoline, habang P2 kada litro naman sa diesel at kerosene sa loob ng apat na araw makaraang una silang mag-rollback nitong nakaraang Mayo 17.
Ito’y upang patuloy pa ring salaminin ang bumababang halaga ng krudo sa internasyunal na pamilihan kung saan inaasahan pa na may mga susunod pang pagbaba ng halaga nito.