MANILA, Philippines - Himas rehas ngayon ang isang 20- anyos na Filipino-American makaraang karnapin umano nito ang sasakyan ng isang Tsinoy sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Isinalang na sa inquest proceedings sa piskalya sa kasong carnapping ang suspect na si Gil Palingbatan, 20, ng Sitio Pacman, Brgy. Tinugay, Baras, Rizal.
Sa ulat ng QCPD-Station 10, nag-ugat ang pag-aresto nang mapansin ng nagpapatrulyang mobile car QC-113 ang isang puting Toyota Crown (WND-304) na pagewang-gewang sa may kanto ng E. Rodriguez at Balete Drive pasado ala-1 ng hapon.
Dahil dito, sinundan ng mobile ang nasabing kotse na kalaunan ay nabatid na pag-aari ni Herbert Yu, 27, binata ngunit habang papalapit ang una ay napuna ito ng Fil-Am kung kaya lalo niya itong pinaharurot papalayo.
Pagsapit sa panulukan ng E. Rodriguez at New York sa nasabi ring lugar ay saka ito nakorner at siniyasat.
Sinasabing nang hanapan ng awtoridad ng mga kaukulang papeles ng kotse ang suspek ay wala itong maipakita kung kaya agad na dinala sa nasabing himpilan ng pulisya para maimbestigahan.
Ayon sa salaysay ng biktimang si Yu, papunta umano siya sa kanyang shop na LNS Paint & Body Kit Shop sa may kanto ng E. Rodriguez at Balete Drive ng tawagan siya ng kanyang empleyado na ang kanyang sasakyan ay kinarnap.
At makalipas ang ilang oras ay tinawagan naman si Yu ng isang Danny Paz, dating may-ari ng nasabing kotse at ipinaalam na ang binili niyang kotse na nakarnap ay nasa tanggapan ng PS10 kung kaya agad siyang nagtungo dito para pormal na maghain ng reklamo laban sa suspect.