MANILA, Philippines - Kulungan ang binagsa kan ng isang ina makaraang ipadakip ng kanyang mga kapitbahay dahil sa walang awang panggugulpi sa 6-anyos nitong anak na babae, kahapon ng umaga sa Pasig City.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law ang suspek na si Ema Millian, 26, ng Block 3 Lot 15 Lupang Pari, Brgy. San Miguel, ng naturang lungsod.
Ipinatingin naman sa pagamutan ang biktimang itinago sa pangalang Alyn, matapos na halos magkulay talong sa dami ng pasa at black-eye sa mukha na natamo nito sa ina.
Sinabi ng pulisya na ilang concerned citizen umano ang nagreklamo sa mga opisyal ng barangay kaugnay sa ginawang sobrang pananakit ng suspek sa kanyang anak.
Base sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Amy Baldonado, ng WCPD may hawak ng kaso, sinabi ng paslit na nagalit ang kanyang mama, matapos na hindi niya sundin ang bilin sa kanya na huwag lumabas sa kalsada makaraang iwan sa kanilang kapitbahay.
Ngunit dahil sa gustong makipaglaro, lumabas ang paslit kung saan naabutan ng ina na biglang nagalit at walang awang sinuntok sa mukha ang anak saka pinagpapalo sa katawan.