'Night-rider kotong cop', tugis

MANILA, Philippines - Ipinatutugis ni Manila Police District (MPD) director General Rodolfo Magtibay ang isang unipormado at naka-motorsiklong “pulis” na inire­reklamo dahil sa talamak na pangongotong umano sa mga motorista sa dis-oras ng gabi,  batay sa mga natanggap na reklamo kahapon.

Ayon kay PO3 Donald Panaligan, ikinasa na nila ang follow-up operation matapos ulanin ng reklamo ang MPD-General Assignment Section at iba pang presinto hinggil sa hindi pa kilalang lalaki na nakasuot ng uniporme ng pulis, may taas na 5’9’’, sakay ng itim na motor­siklo na ang markado lamang umano ng “Police” ang plaka, na nangongotong umano sa mga motorista ng Maynila.

Pinakahuling reklamo na natanggap ng MPD-GAS ang idinulog ng isang Renato Seminiano, 25, truck driver, residente ng Brgy. Mar Fransisco, Pinamalayan, Oriental Mindoro.

Dakong alas-11:30 ng gabi kamakalawa nang mabiktima umano siya ng pangongotong ng nasabing ‘pulis’ sa Del Pan Bridge, sa Tondo, Maynila.

Pinara umano siya ng nasabing ‘pulis’ habang minamaneho niya ang flat nose truck (VAE 755) at hiningi ang  driver’s license niya. Hawak niya umano ang lisensiya nang agawin kaagad ng suspek  at  hiningian siya ng pera kapalit ng lisensiya. Nang walang ibigay na pera ang biktima ay biglang pinasibad ng na­sabing suspek ang motorsiklo ng walang inisyung citation ticket.

Nabatid kay Panaligan na ilang reklamo na ang katulad nito at ang itinuturo din umano ay ang deskripsiyon ng suspek na gumagala sa gabi sa mga  naidulog sa MPD kaya’t iniutos ni Magtibay na tugisin ang sinasabing ‘kotong cop’ upang matiyak kung lehitimong pulis o nag­papanggap lamang upang makapa­ngotong.

Show comments