'Beer-belly' sa mga pulis, pinatatapyas
MANILA, Philippines - Muling maghihigpit ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa mga pulis na busog na busog sa laki ang mga tiyan.
Sinabi ni NCRPO chief, Director Roberto Rosales na siya mismo ang mangunguna sa 2010 First Semester Graded Physical Fitness Test (GPFT) sa lahat ng pulis na nakatalaga sa Metro Manila. Ito’y upang ipakita ang kanyang determinasyon para maging “physically fit” ang kanyang mga tauhan.
Nakapaloob sa GPFT ang mga ehersisyong “pull-ups, sit-ups, push-ups, 100-meter dash at road run mula 1 hanggang 3 kilometro.
Kailangang maabot ng mga pulis ang “minimum standards” sa naturang mga ehersisyo upang makabilang sa mga sinasabing “physically fit” at kayang tumugon sa serbisyo.
Dito umano ibabatay kung kaya ng isang pulis na humabol sa isang tumatakas na kriminal, tumagal sa walong oras na patrol beat, paniniktik sa mga hindi kaaya-ayang lugar, o pagpapayapa sa magugulong demonstrador sa operasyon ng “Civil Disturbance Management (CDM)”.
Sa nakaraang GPFT nitong 2009, nasa 12,668 (97.3%) buhat sa 13,022 pulis ang nakapasa. Hindi naman pinayagan ang may 1,188 na pulis dahil sa problema sa kalusugan habang ang iba ay paparetiro na.
- Latest
- Trending