MANILA, Philippines - Isang baguhang pulis at alalay nito ang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Pasay City police dahil sa pagbebenta ng cocaine, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Nakilala ang nadakip na si PO1 Rodelio Rana, 35, nakatalaga sa Police Community Precinct 6 ng Pasay Police at naninirahan sa Tramo St., San Roque, ng naturang lungsod at ang kasama nitong si Noel Bartolome, 31.
Sa ulat na nakarating kay Sr. Supt. Raul Petrasanta, hepe ng Pasay Police, naganap ang buy-bust operation dakong alas-4:30 ng hapon sa isang parking area sa naturang lungsod.
Nakumpiska sa mga suspek ang 1 kilo ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P1.5 milyon matapos na tumanggap ang mga suspek ng marked money sa poseur-buyer ng pulisya at PDEA. Nakumpiska rin ang kalibre .9mm na service firearm ni Rana.
Lumabas sa pagsisiyasat na galing umano sa lalawigan ng Samar ang cocaine, habang inaalam pa ng PDEA kung sino pa ang nasa likod ng illegal na aktibidad ng dalawa.
Agad naman iniutos ni Petrasanta ang agarang pagsasampa ng kasong administratibo laban kay Rana, pati na ang masusing imbestigasyon sa kanyang aktibidades.