MANILA, Philippines - Dalawang beses na pinadalhan ng korona ng patay si Paranaque Mayor-elect Florencio Bernabe Jr. makaraang una namang kumalat ang text messages na nagbabalita na nasawi na ito noong nakaraang Biyernes.
Mismong si Mayor Bernabe ang nagkumpirma sa mga mamamahayag sa pagpapadala sa kanya ng bulaklak ng patay sa harapan ng gate ng kanyang bahay sa Tahanan Village, BF Homes, ng naturang lungsod.
Mismong ang empleyado ni Bernabe ang nakatanggap ng naturang bulaklak ng patay pasado alas-11 ng umaga na ikinagulat ng nanalong alkalde ngayong katatapos lamang na halalan. Ayon kay Bernabe, nakasaad sa nasabing korona ng bulaklak ang katagang “Condolence”.
Nauna rito, pinadalhan rin ng bulaklak ng patay si Bernabe nitong nakaraang Sabado na ipinadala sa opisina ng kanyang Public Information Office (PIO) at nakapangalan sa alkalde.
Wala namang nakalagay kung saan at kanino nanggaling ang nasabing bulaklak, na naniniwala ang alkalde na posibleng may kaugnayan ito sa pulitika kahit tapos na ang halalan.