Atienza naghain ng protesta sa Comelec
MANILA, Philippines - Pormal na hiniling kahapon sa Commission on Elections (Comelec) ni dating Environment Secretary Lito Atienza na buksan ang mga balota at magsagawa ng manual count sa Maynila upang masiguro na walang naganap na dayaan noong nakaraang halalan.
Sa 13-pahinang protest na inihain ng abogado ni Atienza na si Atty. Romulo Macalintal sa Comelec hiniling nito na atasan ng Comelec ang treasurer at election officer ng Maynila gayundin ang mga tagapag-ingat ng balota na gumawa ng paraan upang masiguro ang integridad ng mga ballot boxes, voters lists, voting record, books of voters at iba pang dokumento, parapher nalia na ginamit sa eleksyon gayundin ang electronic equipment at data storage devices na naglalaman ng resulta ng halalan.
Bukod dito hiniling din ni Macalintal na madala ang mga nabanggit sa Comelec at sa sandaling madala sa komisyon ay kaagad na magsagawa ng recount sa mga balota at pagkatapos ay magsagawa din ng beripikasyon at re-tabulation ng election returns sa mga pinoprotestang precincts.
Nilinaw ni Macalintal na nais nilang pabuksan upang muling mabilang ng manu-mano ang may 1,441 na balota upang masiguro na tama ang resultang lumabas sa PCOS machines.
Samantala, nilinaw naman ni Atienza sa harap ng kanyang libu-libong supporters na sumugod sa harapan ng gusali ng Comelec na nais lamang nitong masiguro ang integridad ng eleksyon sa Maynila subalit handa naman siyang sumuko kung talagang lalabas sa manu-manong bilangan na na talo siya sa nakaraang halalan.
- Latest
- Trending