Gang war: 1 patay, 3 sugatan

MANILA, Philippines - Isang binata ang nasawi, habang tatlo pa kabilang ang isang rumespondeng pulis ang nasugatan matapos na tamaan ng ligaw na bala sa nagrarambulang dalawang gang sa lungsod Quezon kamakalawa.

Ang nasawi ay kinilalang si Ivan Vellorente, 19, binata ng Hito Drive, Brgy. Tatalon sa lungsod.

Sugatan naman sina Armina Antonio, 35, ; at Ronald Guillermo, 28, binata, security guard; at SPO2 Delfin Deudor, nakatalaga sa Galas Police Station ng QCPD.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa may Hito Drive corner Manunggal St., Brgy. Tatalon ganap na alas -7:10 ng gabi.

Dalawang grupo ang umano’y nagra-riot sa lugar partikular ang Bahala ng Gang nang mapagkamalan ng mga huli ang biktima na kaaway at barilin ng sumpak.

Sa naturang kaguluhan ay tinamaan din ng ligaw na bala sina Antonio at Guillermo.

Rumesponde naman sa kaguluhan ang pulis na si Deudor kung saan naabutan nito ang mga nagra-riot na nagpapalitan ng putok.Sa puntong ito, nagbigay ng warning shots si Deudor hanggang sa ilang ligaw na bala ang tumama rin sa katawan nito.

Show comments