MANILA, Philippines - Hinoldap ng tatlong armadong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng notoryus na robbery/holdup gang ang isang aircon bus habang bumabagtas sa kahabaan ng Edsa, sa North Avenue, Quezon City kahapon ng tanghali.
Ayon sa mga imbestigador ng Quezon City Police District, ang hinoldap na bus ay ang Divine transport (TXR-301) na may biyaheng Malanday-Baclaran at minamaneho ng driver nitong si Wilson Iligan, 49, may-asawa, ng Sta. Maria Bulacan.
Ayon sa ulat, nilimas ng tatlong mga suspect ang mga bag ng mga kababaihang biktima, na naglalaman ng pera, cellphone at mga importanteng dokumento.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Edsa partikular sa harap ng SM City North Edsa habang binabagtas ito ng nasabing bus, ganap na ala-1 ng hapon.
Bago ito, sumakay umano ang mga suspect sa may Monumento kung saan naghiwalay hiwalay ang mga ito ng upuan at pagsapit sa naturang lugar ay saka nagdeklara ng holdap.
Sinabi ni Iligan, isang suspect ang nasa kanyang likuran ang tumututok ng baril sa kanya habang ang dalawa naman na may dala ring baril at kutsilyo ay nililimas naman ang mga gamit ng mga pasahero.
Nang makuha ang kanilang pakay sa mga biktima ay nagsibaba ang mga suspect paglagpas sa Quezon Avenue sa may Mother Ignacia na mabilis na nagsitakas .
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso kung saan ipinagtataka ng mga ito kung bakit hindi kinuha ng mga suspect ang perang dala ng konduktor ng bus.