Magkapatid patay sa sunog
MANILA, Philippines - Dalawang magkapatid ang nasawi kabilang ang isang 10-anyos na batang lalaki makaraang makulong ng apoy sa loob ng nagliliyab ng mga itong tahanan sa sunog na lumamon sa tatlong kabahayan sa Muntinlupa City kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang mga nasawi na sina Edlyn Sandoval, 18; at nakababatang kapatid nitong si Mark, 10-anyos.
Nabatid na halos natusta ang katawan ni Mark habang nasawi naman bunga ng “suffocation” si Edlyn.
Kritikal naman ang isa pa nilang kapatid na si Lilian, 21-anyos, na nagtamo ng 3rd degree burn nang tangkaing iligtas ang mga kapatid.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection ng Muntinlupa City, naganap ang sunog dakong alas-10:32 ng gabi. Nagmula umano ang apoy sa bahay ng mag-asawang Manases at Rodelyn Francisco sa Block 4 Lot 260 Sitio Bagong Silang, Sucat, ng naturang lungsod.
Mabilis na kumalat ang apoy sa dalawa pang katabing bahay, kabilang ang tirahan ng pamilya Sandoval bago tuluyang naapula dakong alas-12:09 ng hatinggabi ng mga rumespondeng mga bumbero.
Samantala, tiniyak naman ni Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro na binabalangkas na nila ang mga kaukulang hakbang upang matulungan ang mga apektadong pamilya na nasunugan kamakalawa ng madaling-araw sa Brgy. Cupang sa nasabing lungsod.
Nabatid na aabot sa 1,000 kabahayan ang tinupok ng apoy sa nasabing insidente na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng may 5,000 katao.
Patuloy naman ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng pagkain at ilan pang mga kinakailangang kagamitan sa mga nasunugan, kabilang ang kumot, banig at inuming tubig.
- Latest
- Trending