MANILA, Philippines - Gagawing luntian ng tambalang Mayor-elect Herbert “Bistek” Bautista at Vice-Mayor-elect Joy Belmonte ang Quezon City na kabilang sa kanilang development priorities para sa lungsod.
Kaugnay dito, ang QC Parks Development and Administration Department (PDAD) ay takdang mag- convert sa 341 open spaces sa lungsod para gawing parke at playgrounds sa ilalim ng pangasiwaan ng Bistek-Joy team upang matupad ang vision ng lungsod bilang isang Garden City sa bansa sa mga susunod na panahon.
Ayon kay PDAD Chief Zaldy de La Rosa mula noong Enero ng taong ito, ang kanyang tanggapan ay naka-identified na ng 553 open spaces pero ang 341 lamang dito ang malamang na mai-convert bilang mga bagong parke at playgrounds sa susunod na tatlong taon.
Sa kasalukuyan ang PDAD ay nakapag-develop o naisailalim na sa rehablitasyon ang may kabuuang 139 parke sa apat na distrito sa lungsod na ginastusan na nila ng halagang P698,263,270.45.
Ilan lamang sa mga napagandang parke sa lungsod ay ang La Mesa Eco Park, Bernardo Park, Balara Filters Parks, Tandang Sora Shrine, C.P. Garcia Community Park at ang pinaka parke, ang 26 na ektaryang Quezon Memorial Circle (QMC) na pinondohan ng QC ng P250 milyon upang maging isang world-class central park sa bansa.