MANILA, Philippines - Napatay ang isang 50- anyos na bodyguard umano ng isang dating konsehal ng Maynila at natalong kandidato ng nakatapos na eleksiyon matapos magtangkang mamaril subalit naunahan umano ng isang pulis na nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kamakalawa ng gabi, sa Tondo, Maynila.
Nakilala ang nasawi na si Crisanto Claudio, 59, body guard ni dating Manila Councilor Rolan Valeriano ng District II at residente ng Malunggay St., Velasquez Tondo, sanhi ng tama ng bala sa tiyan.
Agad namang sumuko si PO1 Rossmon Bautista, 24, nakatalaga sa NCRPO, Bicutan, Taguig City at residente ng Repolyo St., Velasquez, Tondo.
Naganap ang insidente sa pagitan ng alas-10 hanggang 10:30 ng gabi sa Repolyo malapit sa kanto ng Romana St., Velasquez, Tondo. .
Ayon kay Bautista, nag-iinuman umano sila kasama ang ilang kaibigan sa nasabing lugar nang dumating ang biktima at aali-aligid sa lugar.
Tinanong umano ni Bautista kung ano ang pakay nito sa lugar at sinabi ng biktima na hinahanap niya ang kanyang kasera na si Jimmy Francisco.
Sinabihan umano ng suspek ang asawa ni Francsico na si Imelda na may naghahanap sa kanyang asawa at nang inguso ang biktima ay sinabi ni Imelda na hindi nila ito kilala.
Sa puntong iyon ay nagpakilala umano si Bautista na isa siyang pulis subalit bumunot ng baril si Claudio na dito na nagkaroon ng komosyon hanggang sa mapilitan na si Bautista na putukan si Claudio.