MuntinÂlupa fire: 5,000 pamilya nawalan ng bahay
MANILA, Philippines - Matinding trapiko ang inabot ng mga motorista sa magkabilang panig ng South Luzon Expressway (SLEX) kahapon ng umaga sanhi ng naganap na sunog sa isang residential area sa Muntinlupa City.
Ayon kay Senior Supt. Pablito Cordeta, Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) Chief, nagsimula ang sunog dakong alas-4 ng madaling-araw kahapon sa Carmina Compound at kumalat sa Bunye compound sa West Service Road sa Brgy. Cupang.
Nabatid na mabilis kumalat ang apoy dahil gawa sa kahoy at may kalumaan na ang mga kabahayan. Umabot sa general alarm ang sunog at nagkabuhul-buhol ang trapiko sa kakalsadahan dahil kinailangan pa na tawagan lahat ng fire trucks sa mga fire stations sa buong Metro Manila para rumesponde.
Ayon sa Muntinlupa BFP, dakong alas-10 ng umaga nang maapula ang apoy.
Sinabi ni Ivy Vital ng Manila Toll Expressway Systems, Inc. (Mates), ang new operators ng SLEX, nagkasabay-sabay ang responde ng mga bumbero at napabagal ang daloy ng trapiko sanhi ng makapal na usok na naging sanhi ng pagdilim sa kalsada sa highway.
Napag-alaman na tumindi pa lalo ang traffic nang magtakbuhan ang mga residente na nasunugan sa lansangan at umokupa sa kalsada na naging lagayan nila ng mga kagamitan na nailigtas sa apoy.
Tinatayang mahigit 4,000 hanggang 5,000 pamilya ang nawalan ng tirahan. Walang iniulat na nasaktan o namatay sa naganap na sunog, patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon upang alamin ang dahilan ng pinagmulan ng apoy.
- Latest
- Trending