1 patay, 1 sugatan: 2 kawani ng Maynilad, inararo ng dump truck
MANILA, Philippines - Isang empleyado ng Maynilad ang nasawi, habang malubha namang nasugatan ang kasamahan nito makaraang araruhin sila ng isang dambuhalang dump truck habang gumagawa ng sirang tubo ng tubig sa isang hukay sa kahabaan ng Quirino highway sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot si Anthony Jacinto, 28, sub-contractor ng Maynilad.
Sugatan naman ang kasamahan nitong si Edgardo Palermo, 23, ng Caloocan City.
Hawak naman ng pulisya ang driver ng Isuzu dump truck (UBL-5031) na si Daniel delos Santos, 39.
Nangyari ang insidente sa may intersection ng Quirino Highway corner Tandang Sora Avenue, Brgy. Sangandaan sa lungsod ganap na alas- 2 ng madaling araw.
Ayon sa ulat, kasalukuyang busy sa pagkukumpuni ng tumagas na tubo ang mga biktima sa nasabing lugar nang walang kaabug-abog araruhin sila ng rumaragasang dump truck.
Ito ay sa kabila na napapaligiran ng harang at mga warning sign ang hukay na pinagta-trabahuhan ng dalawa.
Katwiran naman ng driver, hindi na umano niya namalayan ang pangyayari dahil sa inaantok na siya habang bumibiyahe.
- Latest
- Trending