Koreano nalugi sa negosyo, nagbigti
MANILA, Philippines - Dahil sa labis na depresyon matapos na mabangkarote sa kanyang negosyo, isang Korean national na nagbakasyon lamang sa kanyang kapatid dito sa Pinas ang nagpasyang tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa Quezon City, kahapon.
Nakilala ang nasawi si Min Kyoo Chi, 42, binata, negosyante at nanunuluyan sa North Susana, Executive Heights sa lungsod.
Ang bangkay ng dayuhan ay nadiskubre ng kanyang katulong na si Charlena Garin, 31, habang nakabitin sa kisame ng kanyang kuwarto sa ikalawang palapag nito.
Ayon sa ulat, ang biktima umano ay nagbakasyon lamang sa bansa para dalawin ang kapatid nitong si Baeyool Chi, 47, na isang negosyante at 15 taon nang naninirahan sa bansa.
Nobyembre 2009 pa ng dumating sa bansa ang nasawi na ayon sa kanyang kapatid ay gustong magpahinga para mapawi ang dinadala nitong problema dahil sa pagkalugi nito sa negosyo sa kanilang bansa.
Sinasabing huling nakitang buhay ang nasawi pasado alas-12 ng madaling-araw nang umuwi ito ng kanyang tinutuluyan matapos bumisita sa kanyang kapatid na si Baeyool na nanunuluyan naman sa West Triangle.
- Latest
- Trending