MANILA, Philippines - Malaki ang paniniwala ni Arch. Deogracias Tablan, Executive Director ng Pasig Rehabilitation Center na matatapos ngayong Agosto ang paglilinis ng Ilog Pasig kasabay ng tulong ng pamahalaan at ng mga non-government organization.
Ayon kay Tablan, layon ng dredging at paglilinis ng ilog na maibsan ang pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila bunga na rin ng pagtaas ng tubig at mabagal na agos nito. Sinabi ni Tablan na anim na taon ang kanilang target sa rehabilitasyon o paglilinis ng ilog subalit nagawa lamang ito sa loob ng isa’t ka lahating taon bunsod na rin ng pakikipagtulungan at koordinasyon ng publiko at ilang sektor.
Sa katunayan umano, umaabot na sa 78 porsiyento ang completion ng rehabilitation kung kaya’t inaasahan na matatapos ito sa kalagitnaan ng taon. Umaabot na rin sa 2.3 milyon tonelada ang nakuha nilang basura sa kanilang paglilinis ng ilog.