MANILA, Philippines - Ipinagtanggol ni NCRPO chief Director Roberto Rosales kahapon ang kapulisan ng Taguig sa pagkalat ng ‘tear gas’ sa proklamasyon ni Taguig Mayor elect Lani Cayetano kamakalawa.
Kumbinsido si Rosales na ang pangyayari noong Miyerkules ng hapon ay isang aksidente, habang idiniin naman ni Senator Pia Cayetano sa kanyang twitter account na hindi maaring aksidente ang mga pangyayari.
“May kasanayan ang tauhan namin sa mga sitwasyong ito,” ani Rosales sa isang text message.
Ayon kay Rosales, iim bestigahan ng NCRPO kung may pormal na reklamong ihahain laban sa Regional Mobile Group team na nakatalaga sa pagpapakalma sa mga tagasuporta ng parehong kampo ng mga Cayetano at Tinga.
“Naglalakad yung team ng Regional Mobile Group nang nabunot niya ang pin ng tear gas nang hindi sinasadya,” ayon kay Taguig Police Chief Camilo Pancratius Cascolan.
Agad na inatasan ni Cascolan ang kanyang mga tauhan upang i-secure ang lugar at ang mga opisyal sa kaganapan, at tumawag ng ambulansya upang dalhin sa ospital ang mga naapektuhan ng pagkalat ng tear gas.
Samantala, ang dating barangay chairman na si Francisco Javier ay naghain na rin ng reklamo na nagsasaad diumano na inatake siya ni Senator Allan Peter Cayetano at ng kanyang mga escort noong araw ng halalan.
Ayon kay Javier, pinaulanan siya ng suntok sa C.P. Sta. Teresa Elementary School sa Bagumbayan. Inakusahan din ni Javier si Cayetano na naghahari-harian sa poll center.