MANILA, Philippines - Maghahain ng election protest ang kampo ni mayoralty candidate Lito Atienza upang mabigyang linaw ang kanilang mga katanungan at ang pagdu duda ng mga Manileño sa naging resulta ng automated poll elections.
Sinabi ni Ali Atienza, campaign manager ni dating DENR Secretary Atienza, nagtataka umano sila gayundin ang mga residente ng Maynila kung ano ang nangyari at saan napunta ang kanilang mga boto kayat maghahain sila ng protesta at hihilingin ang manual count sa anim na distrito ng lungsod.
Iginiit ni Ali, na ang resulta ng random manual audit na ginawa sa mga barangays sa Maynila ay hindi tumutugma sa bilang na inilabas ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines.
Inihalimbawa ng batang Atienza, ang nangyari sa precinct 367 ng barangay 198 sa district 2 kung saan ang boto ni Mayor Alfredo Lim sa bilang ng PCOS machines ay 464 habang sa manual count ay 400 lamang, gayundin ang nangyari sa manual audit sa Legarda Elementary school sa precinct 887 barangay 559 sa PCOS count lumalabas na 393 boto ni Lim samantalang sa manual count ay 183 votes lamang.
Ganito rin ang nangyari sa Earist School sa district 6, barangay 633 precinct no.1291, PCOS count kay Lim ay 347 habang sa manual count ay 216 votes lamang ito.
“Nais naming ma-beripika ang resulta sa bawat barangay at ito ang aming obligasyon upang masiguro na ang tunay na boses ng Manileno ay naririnig”, ayon pa sa batang Atienza.