'Kalat mo, linisin mo'
MANILA, Philippines - Maagang nag-umpisang maglinis ng mga kalat na “campaign materials” ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon pa lamang ng hapon kasabay ng muling panawagan sa mga kandidato na magkusa na maglinis ng sarili nilang mga kalat.
Nagmistulang piyesta dahil sa mga isinampay na mga posters at tarpaulins sa paligid ng mga paaralan na ginagamit na “polling precincts” sa Metro Manila habang napakakapal rin ng kalat buhat sa mga itinatapon na “sample ballots” na ipinami migay ng mga volunteers ng mga kandidato.
Sinabi ni MMDA General Manager Robert Nacianceno na inaasahan nila na tatagal ng dalawang linggo bago tuluyan nilang malinis ang buong Metro Manila sa mga idinikit at ikinabit na mga campaign materials ng mga kandidato.
Pangunahing tututukan nila ang paglilinis sa pitong pangunahing kalsada sa Metro Manila na kanilang prayoridad habang sinabing responsibilidad na ng mga opisyales ng barangay ang paglilinis sa kani-kanilang mga lugar. Ipinaliwanag nito na importante na agad na maumpisahan ang paglilinis dahil sa panganib na dulot ng mga nakasabit na posters sa mga poste ng kuryente at komunikasyon at problema na magiging dulot nito sa pagbabara ng mga daluyan ng tubig ngayong papasok na ang tag-ulan.
- Latest
- Trending