MANILA, Philippines - Matinding selos ang nagtulak sa isang tricycle driver upang masaksak at mapatay niya ang sariling asawa gamit ang jungle bolo sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Si Joanalyn Capilitan, 29, residente sa Upper Banlat Road, Brgy. Tandang Sora sa lungsod ay binawian ng buhay habang isinusugod sa Quezon City General hospital.
Mabilis namang tumakas ang mister na suspect na si Victoriano Capilitan, 30, matapos ang ginawang krimen.
Ayon kay PO3 Jaime Jimena, imbestigador sa kaso, ang pagiging labis na seloso ng suspect dahil sa naging mapaghinala nito na ang kanyang asawa ay nanglalake ang dahilan ng krimen.
Sa pagsisiyasat, nag-ugat ang pagiging seloso ng suspect nang magtrabaho umano ito bilang construction worker sa Boracay.
Diumano, dahil malayo sa pamilya na-homesick ang suspect, at lalong nagpalala sa kanyang isipan ang problema nang magkuwento umano dito ang isang kasamahan sa trabaho na tinotorotot ng kanyang asawa.
Sinabi ni Jimena, base sa kuwento ng nanay ng suspect na si Aling Agripina, simula nang dumating ang suspect galing Boracay ay naging mahigpit ang pagbabantay nito sa kanyang misis at naging seloso.
Nabatid na ang dalawa ay kakakasal lamang noong Nobyembre 2009.
Samantala, bago naganap ang pananaksak, dinala muna umano ang suspect sa psychiatrist dahil sa naging kakaiba nitong kilos. Ayon pa kay Jimena, ay pinayuhan umano ng doktor si Aling Agripina, na pansamantalang ihiwalay ang anak sa kanyang manugang dahil sa posibleng may masamang mangyari, bagay na lalong ikinagalit ng suspect.
Ayon sa ulat, pasado alas-11 ng umaga, nang mangyari ang insidente, sa loob mismo ng bahay ng mag-asawa. Sa ngayon, patuloy ang pagtugis ng QCPD sa suspect.