Parak huli sa 'hulidap'
MANILA, Philippines - Nakauniporme pa nang arestuhin ang isang kagawad ng Manila Police District (MPD) ng kanyang mga kabaro matapos ireklamo nang panghahablot umano ng bag ng isang babaeng negosyante matapos sitahin sa traffic vio lation ang huli, sa Ermita, Maynila, kahapon ng hapon.
Nakaposas habang iniimbestigahan ang suspek na si PO1 Faustino Centino, 40, nakatalaga sa MPD-District Mobile Force (DMF), ng Lico St., Tondo, kaugnay sa reklamo ni Faiza Datu Neknek, 27, ng Tuguegarao City.
Sa ulat ni MPD-General Assignment Section , chief, C/Insp. Marcelo Reyes, dakong ala-1:15 ng hapon nang maganap ang insidente sa panulukan ng Katigbak St., at Roxas Blvd., sa Ermita.
Sa salaysay ng biktima, sakay siya ng isang Adventure (JMB 483) na minamaneho ni Rauf Sultan Lucman, nang sitahin sila ng suspek na sakay umano ng pulang motorsiklong walang plaka dahil umano sa ‘beating the red light’.
Habang hinihingi umano ang lisensiya ng drayber ay nakatingin ito sa pasahero na si Faiza at nakita umano ang bag nito saka dinakma at tangkang itakbo subalit napigilan siya ng drayber.
Natiyempuhan naman ng nagpapatrulyang MPD Mobile car (306) na sakay sina PO3 Erwin Bucad at PO3 John Labrador ang komosyon kaya inaresto ang nasabing pulis.
- Latest
- Trending