MANILA, Philippines - Dahil sa pagkaatraso sa oras ng pagpasok sa trabaho binaril at napatay ang isang 47- anyos na security guard ng kanyang kabaro kamakalawa sa Quezon City.
Dead-on-arrival sa Bernardino Hospital ang biktimang si Defin Salazar, security guard sa California Village Multi-Purpose Hall Brgy.San Bartolome, Quezon City.
Agad namang tumakas ang suspek na si Agustin Mejos Jr. matapos ang isinagawang krimen.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Joy Marcelo ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang krimen dakong alas-8:20 ng gabi sa Gate-1 ng nasabing lugar.
Sinasabing pinuntahan ng biktima ang naturang gate para rumilyebo sa suspek pero hindi pumayag ang huli na umalis sa kanyang binabantayan dahil sa late na umano ang una sa pagdu-duty.
Dahil sa pangyayari nagkaroon ang mga ito nang mainitang pagtatalo hanggang sampalin ng biktima ang suspek dahilan para bunutin ng huli ang kanyang service firearm at saka pinaputukan ang biktima. Ang kasong ito ay patuloy na binubusisi ng pulisya.