MANILA, Philippines - Nahaharap sa tatlong kaso ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos sa umano’y pagsira sa posters at banner ng mga mukha ng mag-asawang Ninoy at dating Pangulong Cory Aquino.
Sinabi ni Secretary to the Mayor Atty. Rafaelito Garayblas na kabilang sa kanilang kakasuhan ng grave abuse of authority, grave misconduct at malicious mischief ay sina MMDA chairman Oscar Inocentes, MMDA director Roberto Nacianceno at mga nagtanggal ng mga posters at banners.
Ayon kay Garayblas, mali ang ginawang pagbabaklas ng mga opisyal at tauhan ng MMDA sa mga posters sa kahabaan ng Roxas Blvd., Vito Cruz, Burgos at sa España sa Maynila dahil hindi naman maituturing na political materials ang mga naturang banners.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Renato dela Cruz, City Legal na inilagay ang mga posters at banners ng mag-asawang Aquino matapos na mamatay si dating Pres. Cory.