Arsenal ng Commando gang sa Manila City Jail, nabuko
MANILA, Philippines - Tatlong lider ng Commando gang na nakapiit sa Manila City Jail ang inilagay sa bartolina matapos mabuko sa isinagawang inspeksiyon sa pinaniniwalaang arsenal o taguan nila ng deadly weapons, sa loob ng kanilang selda kamakalawa ng gabi.
Nabatid sa ulat ng Bureau of Jail Management and Penology na nakarekober sila ng may 100 icepick, mga cellphone, baril at pera na ibinaon sa flooring na may hukay kasunod ng greyhound operation ng BJMP at paalisin lahat ng mga preso na kinabibilangan ng Commando gang, sa kanilang selda para sa head count.
Kabilang sa sinasabing lider ng nasabing gang sina Pablito Patlonag, Renato Ilao at Abdullah Badrodin.
Pinaniniwalaang ang mga narekober na armas ay idinadaan sa paglusot ng mga dalaw o ibinabato umano sa gilid ng piitan mula sa squatter area na nakapaligid sa MCJ.
Ang mga nasabing armas ay karaniwang naglalabasan sa oras na magkaroon ng riot sa isang piitan ng mga magkakalabang gang, tulad ng Batang City Jail, Sputnik at iba pa.
Tiniyak naman ni BJMP Chief Director Rosendo Dial na magpapatupad sila ng paghihigpit upang hindi na malusutan ng mga armas ng mga preso.
Magkakaroon din umano ng balasahan ng mga warden matapos ang eleksiyon.
Kasalukuyang Jail war den ng MCJ si Supt. Hernan Grande.
- Latest
- Trending