MANILA, Philippines - Sumalakay ang mga armadong carjackers na nagpakilalang mga pulis kung saan tinangay ang isang Toyota Vios na minamaneho ng isang negosyante, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Dumulog sa Pasay police ang biktimang si Roberto Calayog, ng Ang Buhay St., V. Mapa, Sta. Mesa, Maynila at iniulat ang pagtangay ng mga salarin sa kanyang Toyota Vios (ZKT-774).
Nabatid na binabagtas niya ang kahabaan ng Casimiro St. sa Las Piñas City buhat sa bahay ng kaibigan nang sagiin ng isang lumang Mitsubishi Lancer ang kanyang kotse.
Nang bumaba siya upang suriin ang sira ng kanyang sasakyan, bumaba rin ang apat na sakay ng Lancer, dalawa rito’y armado ng baril at nagpakilalang pulis. Agad umano siyang tinulak at kinaladkad papasok sa passenger seat ng kanyang kotse at saka piniringan.
Dito tinangay ng mga salarin ang kanyang wallet, cellphone, relos at pinaandar ang kanyang kotse. Matapos ang higit isang oras, itinulak siya pababa ng mga salarin sa madilim na bahagi ng auxilliary road, Roxas Blvd. sa tapat ng Japanese Embassy bago tuluyang tumakas.