MANILA, Philippines - Dalawang araw bago maghalalan, nanga ngamba si Liberal Party mayoralty bet at Quezon City vice mayor Herbert ‘Bistek’ M. Bautista hinggil sa umano’y malawakang “vote-buying” na planong gawin ng kanyang kalaban kung saan may P100-milyong pondo ang inilaan para sa operasyong ito.
Dahil dito, nanawagan si Bautista sa kanyang mga kababayan, partikular sa mga botante ng Quezon City na huwag hayaang manipulahin sila ng sinuman at bayaran ng salapi ang kanilang karapatang bumoto.
“Hindi na dapat tayo nagpapaloko sa mga taong gumagamit ng pera at dahas para lamang manalo sa eleksyon. Konsensya natin ang kinabukasan ng QC. Our vote is not for sale – and Quezon City is not for sale!,” ayon kay Bautista.
Nasa P500-P1,000 ang sinasabing halaga ng bawat boto kung saan umiikot na sa buong lungsod ang operasyon nito. Dahil dito, naniniwala si Bistek na ito ang tamang pagkakataon para manindigan ang mga taga-Kyusi para sa kanilang boto.
Napag-alaman din nito na ilang political leaders ng naturang kandidato ay nagsisimula nang magsagawa ng karahasan at pananakot sa mga supporter at lider ng kanilang grupo.
“Desperado na ang katunggali natin at lantaran na ang pagbili ng boto sa mga lugar na malalakas ang tiket ng Liberal Party… the people of QC do not deserve to be led by someone who won his or her position through vote-buying,” ayon pa rito.
Kilala ang kanyang katunggali na gumagamit ng maruming taktika tuwing eleksyon at pakikisabwatan sa mga iligal na transaksyon gamit ang impluwensiya at pera.