MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si DILG Secretary Ronaldo Puno sa mga local government units (LGUs) na huwag munang maningil ng bayad sa mga sasakyan na nagdadaan sa kanilang lugar lalo na ang mga nagdadala ng kagamitan at materiales na gagamitin sa eleksyon.
Aksyon ito ni Puno, upang maiwasan ang pagka-antala ng deployment ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines at iba pang election paraphernalia sa iba’t ibang polling precincts sa buong kapuluan.
Giit ng kalihim, kailangan mahigpit na obserbahan ng mga local chief executives ang prohibisyon hingil sa pagpapatupad para sa pagbabayad sa pagdaan sa kanilang kalye alinsunod sa nakaraang direktiba na kanilang ipinalabas, sa pamamagitan ng Argo International Forwarders Inc., Ace Logistics, Inc. at Germalin Enterprises, Inc., na ngayon ay nagdadala ng mga ballot boxes at iba pang election materials at equipment sa lahat ng consignees sa buong bansa.
Base sa Section 133 ng Local Government Code, ang taxing powers sa mga probinsya, lungsod, at munisipalidad at barangays ay hindi dapat dagdagan ng bu wis, bayad o anumang bayarin at iba pang pasanin sa mga gamit na dala papasok sa teritoryo ng mga local government units.
Sa kanyang direktiba sa lahat ng provincial governors, city at municipal mayors, inatasan din ni Puno ang mga ito na i-exempt ang sasakyang nagdedeliber mula sa oras ng truck ban, o anuman alinsunod sa DILG Memo Circular 2008-112.