MANILA, Philippines - Bukod sa suporta ng mamamayan ng Quezon City, ang endorsement ng Iglesia ni Cristo (INC) ang higit na nagpatibay sa inaasahang panalo nina Liberal Party Mayoral bet Herbert Bautista at Vice Mayoral bet Joy Belmonte sa darating na halalan sa Mayo 10.
Ayon kay Bautista, ang kanyang track re cord sa serbisyo publiko at plataporma sa lokal na pamahalaan ang nagbigay-daan para ibigay sa kanya ang endorsement ng INC.
“Nagpapasalamat ako sa pamunuan ng INC, ang endorsement na ito ay higit na magpapatibay ng aking kandidatura sa QC bilang Mayor. Asahan po ninyo na gagampanan ko ang aking tungkulin ng matapat kung mahahalal bilang mayor ng ating lungsod,” pahayag ni Bistek.
Anya, ang endorsement ng INC ay maituturing na pinal na sangkap para sa kanyang kandidatura at kandidatura ni Joy Belmonte.
“Malaking tulong ang endorsement ng INC, maituturing na malaking hamon sa amin ni Joy ang tiwalang ibinigay sa amin ng mga kapatid sa Iglesia at umaasa po kayong gagawin namin ang aming tungkulin bilang mga lingkod-bayan sakaling manalo sa darating na halalan” dagdag ni Bistek.
Labis namang ikinagalak ni Joy B. ang pag-eendorso at pagkapili sa kanila ng liderato ng INC.
“Naniniwala ako na masusing pinag-aralan at kinilala ng INC ang mga kandidato, ang kanilang mga ideas at plataporma bago ibinababa ang desisyon. Ang kanilang tiwala at boto ay lalong nagbigay inspirasyon sa akin na mapagsilbihan ang mga taga-QC sa abot ng aking makakaya,” pahayag pa ng batang Belmonte.