MANILA, Philippines - Naglaan si Manila Mayor Alfredo Lim ng exclusive na wards para sa mga guro, pulis, empleyado ng lungsod at barangay officials sa bagong tayong Sta. Ana Hospital sa ikaanim na distrito ng lungsod.
Kasabay nito, inilatag ni Lim kasabay ang standing policy sa lahat ng ospital ng lungsod na magbigay ng karagdagang alaga sa mga pulis, guro, city employees at barangay officials kung sakaling mangailangan sila ng serbisyo medikal.
Ayon kay Dr. Mario Lato, direktor ng naturang ospital, maaaring magkaroon pa ng ibang exclusive wards para sa iba pang mga public servants ng lungsod sa loob ng sampung palapag at fully-airconditioned hospital na nakatayo sa 8,000-square-meter-lot at naglalaman ng 54 uri ng mga modernong kagamitan. Ang ganitong uri ng pagtrato sa kanila, dagdag pa ng alkalde, ay sasakop din sa kanilang mga kapamilya.
Ayon naman kay Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Rodolfo Magtibay, na isa sa mga dumalo sa pagbubukas ng naturang ospital, lubhang kapuri-puri ang ginawa ni Lim na pagpapakita ng tunay na malasakit sa mga public servants, gaya ng mga pulis sa pamamagitan ng pagkakaroon ng special wards.