MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyanteng Indian national nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang armadong lalaki, habang isinasara ang kanyang convenience store, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si Gurpal Singh Doal, 37, ng Pasay City, sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan at braso.
Hindi pa tukoy ng awtoridad ang pagkikilanlan sa suspek na tumakas ma tapos ang pamamaril.
Ayon sa ulat, binaril si Doal sa loob ng Nidhan Mini Mart sa Unit 15, North Bay Building, H. Lopez Blvd., Gagalangin, Tondo, dakong alas-7 ng gabi nitong Martes.
Nabatid na magsasara na sana ito ng tindahan nang marinig ang mga putok ng baril hanggang sa bigla na lamang itong humandusay.
Sa naging pahayag sa imbestigador ng misis ni Doal na si Jennelyn Noriega, nakatatanggap umano ng text message ang biktima sa nakalipas na tatlong araw, na nagsasaad na bilang na ang mga araw nito subalit binabalewala umano ito ng biktima dahil wala umano siyang alam na kaaway.
Inaalam din kung may kinalaman sa negosyo ang motibo sa pagpatay.