MANILA, Philippines - Sugatan ang isang pulis makaraang umawat sa naging pagtatalo ng dalawang lasing tungkol sa kung sinong kandidato ang dapat na manalo sa pagka-presidente kamakalawa sa Quezon City. Kinilala ang sugatang pulis na si SPO2 Leopoldo Macaraeg, ng QCPD at residente sa Brgy. Bagbag, Novaliches.
Si Macaraeg ay nasaksak matapos na tangkain nitong awatin ang nagpapambunong mga lasing na nag-away dahil sa kanilang mga napipisil na kandidato sa pagka-presidente.
Ayon sa ulat, si Macaraeg ay nagtamo ng isang tama ng saksak sa kaliwang taligiran at ngayon ay naka-confine sa PNP General Hospital sa Camp Crame. Hina-hunting naman ng awtoridad ang sumaksak sa biktima, na kinilalang si Henry Tera, 42, ng Julilo Gregorio St., ng Brgy Bagbag. Nangyari ang insidente pasado alas- 5 ng hapon sa kahabaan ng Don Julio Gregorio St. kung saan off duty si Macaraeg.
Kasalukuyang nakikipaglaro ng chess si Macaraeg sa kanyang kaibigan sa nasabing lugar nang magkaroon ng komosyon ilang metro ang layo mula sa kanila. Si Tera ay nakikipag-inuman sa isa pang residenteng si Robert Torrifil, 22, nang magtalo ang mga ito kung sino kina Manny Villar ng Nacionalista Party at Noynoy Aquino ng Liberal Party ang dapat maging pangulo ng bansa. Dahil sa komosyon, nagpasya si Macaraeg kasama ang dalawa pang alagad ng batas na makialam at awatin ang mga ito.
Habang inaawat ang dalawa, biglang nagbunot ng patalim si Tera at inundayan ng saksak si Macaraeg, sanhi upang agad na bumuwal ito. Matapos ang pananaksak ay biglang tumakas si Tera, at naiwan nito ang patalim habang ang biktima ay itinakbo naman sa ospital.