MANILA, Philippines - Ilang linggo bago ang pagpapalit ng administrasyon, ipinagmalaki ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Oscar Inocentes na natapos na nila ang mga obligasyon at wala nang pagkakautang sa kanilang mga tauhan makaraang mabayaran na lahat ng nabinbing benepisyo ng mga ito.
Sinabi nito na naibigay na rin sa mga empleyado ang matagal na nabinbin na hazard pay na pansamantalang hindi nakuha ng mga tauhan sa panahon ni dating MMDA Chairman Bayani Fernando.
Mahigit 2,000 mga kawani na nakatalaga sa Traffic Operation Center, Sidewalk Clearing Operations Group at Cleanliness and Beautification Program Division ang regular ng tumatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang regular na sahod bilang hazard pay. Bukod dito, tinanggap na rin nila ang nabinbin na clothing allowance na P6,000 kada taon.