Mister patay sa heat stroke
MANILA, Philippines - Hinihinalang heat stroke ang ikinasawi ng 58-anyos na mister habang nagmamaneho ng kanyang sasakyan sa lungsod Quezon kahapon.
Nasawi habang ginagamot sa ospital si Arnold Cruz, 58, ng Casiana St. Brgy. Santol sa nasabing siyudad.
Nangyari ang insidente sa may tapat ng #109 J.P. Rizal St. sa kanto ng Rajah Matanda St. Brgy. Milagrosa, Project 4 sa lungsod ganap na alas-9:30 ng umaga.
Nabatid na minamaneho ng biktima ang kanyang puting L-300 van (VVV-219) nang bigla na lamang huminto ito sa naturang lugar sa hindi malamang dahilan.
Ang biglaang paghinto ay nakita ng mga residente sa lugar na sina Boyet Salnallo at Margarito Majuad at inakala nilang tumirik lamang kung kaya’t nilapitan nila ito para tulungan.
Subalit, laking gulat ng dalawa nang mapuna ang biktima na nakatalungko at wala nang malay dahilan para tumawag agad sila ng responde sa mga awtoridad.
Hinihinala na tinamaan ng heat stroke ang biktima dahil sa sobrang init ng panahon lalo pa at hindi umano nakabukas ang aircondition ng sasakyan nito.
- Latest
- Trending