MANILA, Philippines - Isang ama ng tahanan ang napatay makaraang kursunadahing bugbugin at saksakin ng isang grupo ng kalalakihan sa harap ng kanyang anak sa Barangay Commonwealth, Quezon City kamakalawa.
Ang biktima ay kinilalang si Rozel Michael Javier, nasa hustong gulang at residente sa Brgy. Commonwealth.
Nadakip naman ng pulisya ang tatlo sa apat na suspek na sina Johnbert Cutamora, 21; Jayker Cutamora, 28; at Roland Gumopas, 22; pawang mga residente rin sa nasabing barangay.
Tinutugis pa ng pulisya ang isa pang suspek na si Noel Cutamora.
Kakain sana sa Ren Hot Sarap tapsilog ang biktima kasama ang anak na si Ferbie Kieth nang mapuna ng una na tinitingnan siya ng grupo ng mga suspek.
Sa pangambang masama ang intensyon ng grupo, ipinasya ng biktima na umalis na lang sa lugar para makaiwas sa gulo.
Habang naglalakad ay sinundan ang mag-ama ng mga suspek at nang maabutan ay binugbog at sinaksak ang biktima sa harap ng anak nito.