MANILA, Philippines - Nakatakdang maghain ng motion for reconsideration sa linggong ito sa Pasig City Regional Trial Court ang Philipine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang kuwestiyunin ang pagpapahintulot na makapagpiyansa si Mandaluyong City mayoralty candidate at drug suspect na si Ernest Buan.
Sinabi ni PDEA spokesman Derrick Arnold Carreon kahapon na gagawin nila ang hakbang alinsunod sa kautusan ni PDEA Chief Director General Dionisio Santiago na nagpahayag ng pagkadismaya sa kinalabasan ng kaso laban kay Buan. Sinabi pa ni Carreon na naninindigan ang ahensya na ang pagbebenta ng droga umano ang kasong isinampa laban kay Buan ay non-bailable offense sa ilalim ng Republic Act 9165.
Nadakip ng ahente ng PDEA si Buan noong Enero 29 sa isang shopping complex sa Barangay Ugong sa Pasig City. Limang gramo ng sachets ng cocaine (P20,000) ang nakuha umano sa pangangalaga ni Buan.
Ngunit sa utos na lumabas nitong April 16, pinaboran ni Judge Abraham Borreta ang petition for bail ng kandidato ng Aksyon Demokratiko. Siya ay pinalaya nitong Biyernes kung saan ayon sa huwes, na ang arresting agents ay nagkamali sa procedure tulad ng paggamit ng sasakyang nakuha mula sa previous operation at ang mislabeling ng ebidensya.