Quezon City handa na sa eleksyon
MANILA, Philippines - Hiniling ni Mayor Feliciano Belmonte Jr. sa mga ahensya at departamento ng gobyerno na may kinalaman sa gaganaping halalan sa Mayo 10 na siguruhing mapayapa at maayos ang eleksyon.
Dahil dito, inatasan ni Belmonte ang Quezon City Police District (QCPD) at QC Division of City Schools na plantsahin na ang lahat ng nakikitang gusot na maaaring maging sanhi ng problema sa kauna-unahang automated election ng bansa.
“We should ensure that QC will have a peaceful and orderly election. This early, we should resolve any problem that might cause any glitches in the May 10 polls,” ani Belmonte sa nakaraang regular executive staff meeting sa QC Hall Bulwagang Amoranto.
Ang kautusan ni Belmonte ay bunsod na rin ng pag-amin ng QCPD na kulang ang kanilang higit 2,000 mga pulis upang magbantay sa Mayo 10 lalo pa na 24-oras ang duty ng bawat isang pulis na itatalaga sa may 1,281 clustered precinct ng lungsod.
Sa ngayon, humiling na ng karagdagang puwersa ang QCPD sa Regional Police Security Mobile Battalion (RPSMB) at National Capital Region Command (NCRCOM).
Inatasan din ng alkalde ang QCPD na makipag-ugnayan na rin nang maaga sa management, may-ari o caretaker ng may 36 na gym, covered court, multi-purpose hall na gagamitin sa halalan. Ayon kay Dr. Rowena Cacanindin, OIC ng QC Division of City Schools, nakapag-training na ang mga guro ng lungsod na isasabak sa halalan noong Marso 1-20 sa Eurotel Hotel sa EDSA.
- Latest
- Trending