Kawatan timbog sa pag-eencash ng tsekeng sinikwat

MANILA, Philippines - Nabitag ng  sariling krimen ang isang 27-anyos na mandurukot nang pigilin siya ng mga tauhan ng isang banko at i-alarma sa pulisya ang pagpapa-encash ng tseke na kaniyang nasikwat mula sa isang professor ng Adamson University, sa Er­mita, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Nakapiit na sa Manila Police District-Theft and Robbery Section ang suspek na si John Lloyd Haban, 27, ng Maginhawa St., Malate, Maynila matapos ares­tu­hin dakong ala-1 ng hapon noong Biyernes, sa loob ng Philippine National Bank (PNB), na matatagpuan sa tapat lamang ng MPD head­quarters, sa U.N. Ave­nue, Ermita.

Sa ulat ni C/Insp. Edgardo Carpio, hepe ng MPD-TRS, agad nilang ipinagharap ng kasong theft sa Manila Prosecutor’s Office si Haban bunsod ng pormal na rek­lamong idinulog ng biktimang si Alvin Dimaranan, 27, professor sa Adamson University at Tagaytay City, Cavite.

Sa kuwento ng biktima, sakay siya ng bus noong Huwebes ng hapon na may biyaheng Pasay City nang madukutan ng itim na wallet na naglalaman umano ng cash na P2,000; isang PNB check na nagkakahalaga ng P4,995.82; isang Planters Bank check na P8,000; isang Bank of the Philippine Island Automated Telling Machine (ATM) Card at mga identifi­cation card.

Kaagad niyang inireport sa mga banko ang insidente upang hindi umano mai-encash ang mga tseke.

Bukod sa tseke ng PNB, narekober pa mula kay Haban ang iba pang ebidensiya na kinumpirma ng biktimang nadukot sa kanya.

Show comments